Iza Calzado, Dimples Romana puspusang dasal sa shoot ng eco-horror movie 'The Caretakers'


Dimples Romana (left) at Iza Calzado

Naniniwala si Dimples Romana na hindi lang sila ng cast and crew ang nanduon sa lumang bahay kung saan sila nag-shoot ni Iza Calzado ng eco-horror movie "The Caretakers."

"To me, everything is energy," pahiwatig niya sa press junket ng pelikula na baka may mga kasama silang mga hindi nakikita sa lugar na yon. "Kaya ako yung tipong nagta-tabi-tabi po o nagsasabi ng 'Makikiraan po' sa mga lugar na feeling ko dapat may management ng energy..."

Kaya kahit wala namang nakita o nagparamdam na kakaiba kay Dimples sa location set ng "The Caretakers" ay katakot-takot pa din daw ang dasal na ginawa nila ni Iza, hindi lang individually kundi as a group.

Iza Calzado

"Lalo pa at hindi lang naman basta kung anong maaring entities ang andun, kundi mga elementals," dagdag ni Iza.

Isa lang daw ang pagiging sensitibo sa kapaligiran kung saan nagsho-shoot ang mahirap gawin kapag horror ang genre. 

Sey ni Iza, mahirap daw magshoot ng night scenes dahil mas natural na sanay ang katawan kumilos kapag araw o may liwanag.

"At pag horror, ang hirap ng ilawan at talagang heightened ang emosyon mo bilang aktor," wika Iza. "At kahit planuhin mo ang arko ng character mo, mahirap gawin kasi hindi naman linear ang pag-shoot nito."

Dimples Romana

Ang ibig sabihin ni Iza ay maaring sa first day of shoot ay climax scene na agad ang ipagawa sa artista tapos biglang finale ang kasunod o yung eksena sa simula ng pelikula. Bale, lahat ng eksena ay inaayos lang kasi ang tamang pagkakasunod-sunod sa editing part na ng shoot.

Challenging din daw kay Dimples na karamihan ng eksena niya ay sa silong ng bahay kinunan.

"Madaming kwentong kababalaghan ang silong," sey ni Dimples. "At saka ang hirap tumayo mula sa pagkakaupo sa silong! Hindi naman kasi ako kasing fit ni Iza, haha!"

Tungkol sa dalawang ina na may pinagaagawang piece of property ang "The Caretakers." Produced by Regal Entertainment at REIN Entertainment, ang "eco" sa eco-horror stands for ecology dahil tinatalakay din sa pelikula ang epekto ng environmental degradation.

Ang "The Caretakers" ang Valentine presentation ng Regal na ipalalabas this Valentine month in cinemas nationwide on Feb. 26.

Comments