Advocacy o choreography? Senatoriable Wilbert Lee ayaw makipagsabayan sa kabaliwan sa TikTok para lang mapansin
![]() |
Wilbert Lee |
Mukhang matatagalan o mas malamang ay never nating makikita si AGRI Party-list Representative at tumatakbo ngayong senador na si Manoy Wilbert "Wise" Lee na sumasayaw o nagpapakwela sa TikTok o iba pang social media platforms lalo sa panahon ng kampanya.
"Gusto ko sana ay issue-based o advocacy-based ang kampanya ko," wika ni Wilbert sa isang interview with the entertainment media kamakailan. "Para sa kin kasi, parang nabababoy ang political scene kapag ganun. Ayoko makisabay, wag tayo bumaba duon."
Imbes na pagalingan sa pagsayaw o pagpapatawa o kung ano pa man ang maalala sa mga tatakbo sa eleksyon, dapat daw ay ito ang maisip ng bawat botante.
"Sino ang may magagawa? Sino ang may konkretong plano? Sino ang alam ang gagawin? Yan ang dapat isipin ng tao," sabi niya.
O ika nga, vote "Wise"-ly.
Tinanong namin si Wilbert na baka kaya nagpapakwela ang ibang mga kandidato ay upang maipakita ang kanilang human side at makuha muna ang loob ng botante bago sila bentahan ng plataporma.
Kasi nga naman, kapag napatawa ka ninuman ay iisipin mong mabuting tao siya dahil napasaya ka, hindi ba? At kung mabuting tao pala, at nakapagbibigay ligaya, hindi ba't malamang isipin niya kung anong makabubuti sa lahat...kaya dapat siyang iboto?
"Hindi ganun yon," sagot ni Wilbert. "Minsan, kung sino pa ang 'mabuti' ay siya ang mas nakakatakot dahil nasa ilalim (pala ang kulo)."
Eto, konkreto
Sa press conference ay ibinahagi ni Wilbert ang kanyang mga adbokasiya sa kalusugan at iba pa.
Matatandaan na mahigit isang taon ang pakikipaglaban ni Wilbert para madagdagan ang mga benepisyo ng PhilHealth mula nang ibulgar niya ang bilyon-bilyong pondo ng ahensya noong Setyembre 2023.
“Sino po ba dito ang may PhilHealth? Nararamdaman ba ninyo yung tulong o naliliitan kayo? Ang gusto natin, dagdagan pa nila at palawakin yung ino-offer nilang mga benepisyong pangkalusugan, hanggang sa dumating ang panahon na kapag member ka ng PhilHealth, para ka na ring may hawak na healthcard,” pahayag ng mambabatas.
“Sa pag-iikot ko, nalaman po natin na ang pangunahing pangamba ng ating mga kababayan ay ang pagkakasakit sa takot na lalong malubog sa kahirapan dahil walang pambili ng gamot at pambayad sa ospital,” dagdag pa niya.
Kwento pa ng Bicolanong mambabatas, umaabot sa 5,000 hanggang 7,000 messages ang natatanggap ng kanilang tanggapan araw-araw sa Facebook para sa medical assistance.
“Tungkulin nating mapagaan ang pasanin ng ating mga kababayan. Ang gusto nating baguhing kalakaran, hindi na kailangan magmakaawa ng mga Pilipino sa mga politiko para lang makabili ng gamot at makapagpagamot."
Pahiram ng mic
Kung matatandaan, napabalita at naging usap-usapan ang pang-aagaw ni Manoy ng mic sa Kamara habang nasa deliberasyon ng budget ng Department of Health (DOH) noong Setyembre 25, 2024.
Dahil sa nasabing pang-aagaw ng mic at walang tigil na pangangalampag ni Manoy sa DOH at PhilHealth, 95% o mahigit pa ang naitaas na sa coverage ng mahigit 9,000 case rates ng PhilHealth.
Bukod dito, maipatutupad na rin ng PhilHealth ang libreng check-up sa mata, pagpapagawa ng salamin, at operasyon sa katarata, ipinapatupad na ang libreng dialysis, pinalawak na coverage sa pagpapagamot ng breast cancer, pati na ang benepisyo sa pagpapagamot sa mga sakit sa puso at kidney transplant, at sinimulan na rin ang implementasyon ng outpatient emergency care services ng ahensya.
Kapag mayaman, di na magnanakaw?
Isang matagumpay na negosyante si Wilbert bago pumasok sa gobyerno. Mula sa simpleng tindahan na itinayo ng kanyang tatay sa kanilang probinsya sa Sorsogon, napalago niya ito para maging LKY Group of Companies na nasa linya ng food, real estate, mall and town center development at mga hotel, na mayroon nang 3,000 na empleyado sa iba’t ibang panig ng bansa.
Automatic ba na mas mapagkakatiwalaan ang mayaman na kandidato dahil mukhang hindi niya na kailangan ng salapi na puno"t dulo ng korupsyon?
Sagot ni Manoy, depende daw yon sa level of contentment ng tao.
"Hindi po lahat ay alam sa sarili when enough is enough," paliwanag ni Wilbert.
"Basta tandaan po natin na pag tayo namatay, banga at butas lang ang kakailanganin natin. Wala tayong madadalang kayamanan sa hukay at sa kabilang buhay."
Pagbabalik
Naging host si Wilbert sa public service program na “Si Manoy Ang Ninong Ko” na umere sa GMA Kapuso Network mula Marso hanggang Hulyo 2024, kung saan nakasama niya sina Gelli de Belen, Patricia Tumulak at Sherilyn Reyes-Tan.
Nang matanong kung may plano pa siyang bumalik bilang TV host at ang “Si Manoy ang Ninong Ko,” posible pa umano itong bumalik sa ibang platform.
“Pwede po siguro after elections, dahil ipinagbabawal din po ito (habang nasa kampanya). Saka may programa man po tayo o wala, tuloy po ang pagtulong natin,” wika ng mambabatas.
Nauna nang ipinahayag ni Wilbert na napakagandang experience para sa kanya na maging bahagi ng programa na nagpapakita ng modern-day bayanihan ng mga Pilipino.
Nagpasalamat din si Manoy sa opportunity at sa inspirasyon na makatulong sa iba’t ibang sektor at komunidad na naabot ng programang “Si Manoy ang Ninong Ko.”
Final words
Sa huli ay inulit ni Wilbert na kalusugan ang tutok ng kanyang kampanya.
“Ang pinagsisikapan natin, libreng gamot at pagpapagamot para sa bawat Pilipino. Sinimulan at ginagawa na po natin ito ngayon sa Kongreso, at kung papalarin, itutuloy natin ito sa Senado. Ang ipinaglalaban ko: Gamot Mo, Sagot Ko! Laban natin itong lahat, samahan nyo po ako,” saad niya.
At kung di man siya palaring manalo ay dasal niya na may mag-pick up ng kanyang advocacy dahil kailangang-kailangan daw ito ngayon ng mga Pilipino.
"Magtulungan po tayo," sabi niya. "Kasi kung tutuusin, kaya eh."
Comments
Post a Comment